Sigaw ng Manggagawa sa Baluktot na Batas: Ang Aklasan ni Amado V. Hernandez


Crispino, Zaira M.
Gawain Bilang (1)

Panimula

Daigdig ng Tula
        
           Ang panitikan ay napakahalagang salik sa isang bansa. Dahil sa panitikan, lubos nating nakikilala ang ating sarili bilang isang Pilipino at ang talinong taglay ng ating lahing pinagmulan. Dahil sa panitikan, higit nating napapahalagahan ang kadakilaan ng ating kasaysayan lalo na ang pagpapakasakit ng ating mga ninuno upang ating tamasain ang kalayaan at kapayapaang pinakikinabangan natin sa kasalukuyang panahon.
          Bahagi rin ng panitikan ang panulaan. Ito ang mahalagang sangay ng panitikan at sa bahaging ito nakapaloob ang tula. Taglay ng tula ang lahat ng bagay na singkahulugan ng kagandahan at katotohanan.

Ayon kay John Ruskin:
            Ang tula ay tahasang pagpapahiwatig sa tulong ng guniguni at matibay na saligan para sa marangal na damdamin. Ibig ipakahulugan sa marangal na damdamin ay ang apat na pangunahing nagdudulot ng simbuyo ng kalooban na gaya ng pag-ibig, paghanga, pagsamba na ang kasalungat: pagkamuhi, pagkapoot, pagkasindak, at hindi madalumat na kalungkutan.

Ayon naman sa pahayag ni Charles Mills Gayley:
             Ang tula ay isang pagbabagong-anyo o isang paglalarawan ng buhay na ang kagandahan ay hinahango sa guniguni na pinaparating o inilalahad sa ating marangal na damdamin at ipinapahayag sa pamamagitan ng masinop na pangungusap at nag-aangkin ng namumukod na kariktang pinatitingkad ng tumpak na aliw-iw na lalong gumaganda kung gumagalaw sa mga sukat.

Ayon naman kay Karlnaduzna:
             Bago maging isang tula ang isang tula, nararapat na nasusunod ng may-akda ang mga sangkap o elemento ng isang tula. Ang mga sumusunod ay ang sangkap ng tula:
1. Sukat- ang bilang ng bawat pantig sa          bawat saknong o taludtod.
2. Tugma- ang pagkakapareho ng ponema    o tunog  ng bawat huling salita sa  taludtod.
3.Talinghaga- ang paggamit ng mga matalinghagang salita.
4. Istilo o anyo- ang pagkakaayos ng bawat taludtod o saknong.
5. Saknong- ang grupo ng mga salita sa bawat taludtod.
6. Tono- ang pangunahing diwa o emosyon ng tula.

Si Hernande: Manunulat ng Manggagawa
             
             Si Amado V. Hernandez ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1973. Mas kilala siya bilang Ka Amado sa kaniyang mga kaibigan at kasama sa kilusang paggawa. Kinilala siya dahil sa mga akdang makabayan at nakikisangkot sa mga problemang panlipunan at dahil sa kaniyang totoong paglahok sa organisasyong pampolitika.

Nagsimula siya bilang manunulat at editor bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkaraan ng digma, naging kinatawan siya ng Newspaper Guild of the Philippines sa pamunuan ng Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo siya ng CLO noong 1947 at  nahalal ding Konsehal ng Maynila noong 1945 at 1947. Nang sumiklab ang pag-aalsang Huk, isa siya sa pinaghinalaang Komunista at dinakip. Kahanga-hanga ang pangyayaring marami siyang nasulat na akdang pampanitikan habang nakabilanggo at nililitis. Napawalang-sala siya noong 1964 at nagpatuloy sa pakikilahok pampolitika hanggang mamatay noong 24 Marso 1970.

        Itinuturing na pinakamahalagang aklat niya ang kalipunan ng tulang Isang Dipang Langit (1961), ang mga nobelang Luha ng Buwaya at Ibong Mandaragit(1969), tulang pasalaysay na Bayang Malaya (1969), at mga dulang “Muntinglupa” (1957), “Hagdan sa Bahag hari” (1958), “Ang mga Kagalang-galang”(1959) at “Magkabilang Mukha ng Isang Bagol” (1960). Paborito namang binibigkas ang kaniyang mga tulang “Kung Tuyo na Luha mo Aking Bayan,” “Panata sa Kalayaan,” “Inang Wika,” at “Makalawang Namatay.” Nagtamo ng karangalang banggit ang kaniyang “Kayumanggi” sa Commonwealth Literary Contest noong 1938, at nabigyan siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa Isang Dipang Langit  noong 1962. Kinilala rin siyang Makata ng Ilaw at Panitik noong 1925, Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila noong 1964, at Tanglaw ng Lahi ng Ateneo De Manila noong 1970.

        Isinilang siya sa Tondo, Maynila noong 13 Setyembre 1903 kina Juan Hernandez at Clara Vera. Napangasawa niya ang Reyna ng Sarsuwela at Kundiman at kapuwa Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro na si Atang de la Rama. 

            Malayang nailahad ni Hernandez ang normal na kaugalian ng mga magulang na ipagkasundo ang kanilang mga anak sa mga propesyunal na manliligaw nito at bigyan nang higit na pagpapahalaga ang mga may salapi kaysa mga walang maipagmamalaki. Matagumpay na naihatid sa mambabasa ang obserbasyong ito sa pamamagitan ng mga tauhang tulad ni Aling Tecla at ng anak niyang si Nati. Pinalutang ang abang kalagayan ng mga hikahos na manliligaw na lubos na nagsisikap upang mapagwagian ang karera ng pag-ibig. Laging “underdog” ang pangunahing tauhang lalaki habang pilit na sinisilo ng mga masalapi niyang katunggali ang kahinaan ng dalagang kaniyang iniibig. Ganito ang kapalarang sinapit nina Pastor at Nestor.

              Nagpalit ng kasuotan ang panulat ng makata nang tumambad sa kaniyang harapan ang lagim at bangungot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nakakamanhid na romantisismo ay unti-unting naglaho nang mahantad siya sa krisis ng lipunan. Nasaksihan niya ang hubad, ulila at matamlay na Maynila sa pananakop ng hukbong Hapones. Tinuligsa niya ang mapagsamantalang sistema ng kapitalismo sa pagkauso ng black market na siyang tagpuan ng mga Pilipinong naghahanap ng pantawid-gutom. Naging sikat ang asusena, kalderetang kambing at kinubang aso na siyang pangunahing putahe ng mga nagdarahop. Ang isda, bigas at karne ay inilalalaan lamang sa mga Hapones at sadyang napakamahal ng halaga. Makikita sa lansangan ng Maynila ang tatlong uri ng tao: ang mga sinalanta, ang mga pulubi at mga tulisan. Ang mga tulisang ito ay ang mga mapagsamantala at nanghuhuthot sa halaga ng pagkain, kagamitan at bahay paupahan. Kabilang sila sa mga hunyango ng lipunan. Sa pagkakataing ito hinambalos ni Ka Amado ang karangyaan ng tinagurian niyang mga kolaborador, hunyango, dahong-palay at bantay-salakay. Kasabay nito ay ang panawagan sa lahat ng kaniyang mga kababayan na panindigan ang pagka-Pilipino:
“…ang mga pusakal na kolaborador ay makikitang naka-awtomobil, at ang mga biglang-yaman sa mahiwagang paraan ay tila hindi madapuang-langaw sa kanilang makisig na dokar na hila ng kabayong madudulas…” “Habang nag-aantay, ang bayang Pilipino’y hindi dapat humalik sa tanikala. Huwag siyang tumulong sa kaaway. Dapat siyang magpatuloy sa pakikibaka sa pamaaraang gerilya..”

          Kung nabubuhay ngayon si Ka Amado ay ipagpapatuloy niya ang kaniyang misyon. Nagpapatuloy sa pagpapasasa sa kayamanan ng bayan ang mga buwaya sa pamahalaan. Hindi minsang nadawit sa iskandalo ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs ukol sa talamak na katiwalian at pagnanakaw. Paanong ang isang pangkaraniwang Direktor na sumasahod ng P25,000 kada buwan ay makabibili ng lupa sa Ayala at isang condominium unit? Nang lisanin ng mga Marcos ang Malacanang noong 1986, sila lamang ang napalayas at hindi ang kanilang mga alagad na ngayo’y muling bumubuo ng kanilang maluwalhating lugar sa burukrasya.
    
Pagsusuri sa tulang "Ang Aklasan"

        Isa sa akdang pampanitikan na isinulat ni Amado V. Hernadez ay "Ang Aklasan. Ito ay isang tula na tumutuligsa sa mga naging karanasan ng mga manggagawa sa ilalim ng baluktot na batas. Inilarawan sa tulang ito ang maling pagtrato sa mga manggagawa. Dahil sa baluktot na batas, ang sahod na para sa manggagawa ay hindi nila nakukuha. Binanawian sila ng karapatang dapat ay mayroon sila. Sila ang naghihirap sa pagtatrabaho ngunit iba ang nanginginabang, ang malupit na batas. Hindi nila ito nakakamit dahil sa malupit na pamamahala ng may kapangyarihan tulad na lamang sa ipinapakita ng ilang saknong sa tula.

Ang maliit 
na ginahis 
ay nagtindig.

Pagka't bakit 
di kakain 
ang nagtanim.

Ang nagliston
ng malutong
patay gutom.

Ang nagbihis
sa makisig
walang damit.

Ang yumari
ng salapi
nanghihingi.

Ang gumagawa 
ng dambana'y
hampaslupa.

Ang bumungkal
niyang yaman
nangungutang.

         Dahil sa hindi makatarungang pakikitungo ng malupit ng malupit na pamahalaan sa manggagawa at sa pagkuha ng karapatan bilang isang manggagawa, ang mga Pilipino ay nagwelga sa kanila. Ginawa nila ito upang ipadama ang pamamalupit na kanilang ginagawa sa mga manggagawa.

At sa madla
ay nagbanta 
ang dalita. 

Nangalupaypay
ang puhunan
at kalakal.

Nangasara
ang lahat na...
Welga! Welga!

          Maraming dahilan sa pagsasagawa ng Aklasan na ipinakita sa tula ni Hernandez. Ipinakita o ipinalitaw niya rito ang pandaraya ng may kapangyarihan sa mga manggagawa. Nawalan ng hustisya ang mga manggagawa sa paraan ng pagbibigay ng tmaang pasahod para sa kanila. Itinuring din ang mga manggagawa na parang hayop hindi bilang isang tao. Kapansin-pansin itong inilahad sa piling taludtod ng tula.

Ngunit habang may pasahod
na ang tao'y parang hayop
samantalang may pasahod 
na anaki'y isang limos,
habang yaong lalong subsob
at patay sa paglilingkod
ay siyang laging dayukdok,
habang pagpapabusabos
ang mga paupa ng pagod,
habang daming nananghod
sa pagkaing nabubulok
ng masakim at maramot.

           Ngunit sa kabila ng pagpapahirap at pangangamkam ng yaman sa mga manggagawa, nagkakaroon pa rin sila ng pag-asa kahit papaano. Unti-unti silang nagkakaroon ng pag-asa upang ipaglaban ang karapatang inangkin ng may kapangyarihan.

Katapusan
ng kasamaa't
pangangamkam.

At sa wakas,
bagong batas,
bagong palad!

       Ipinahiwatig din sa tulang ito ni Hernandez na hangga't hindi nakakamit ang wastong pamamalakad sa lipunan at hangga't hindi nabibigyang pansin ang mga katwirang ipinaglalaban ng manggagawa, hindi pa rin matatapos ang aklasan para sa buhay ng mga manggagawa na ipinakita sa ilang taludtod.

Ang aklasan ay sispot
at sasabog ng poot,
ang aklasa'y walang lagot,
unos, apoy, kidlat, kulog,
hihingi ng pagtutuos
hanggang lubusang matampok,
kilalani't mabantayog
ang katwirang inaayop,
hanggang ganap na matubos
ang paggawang bagong Hesus
na ipinako sa krus.

Paglalapat ng Teoryang Bayograpikal

           Ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang karanasan o kasaysayan sa buhay ng may-akda. Ipinapahiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na siya niyang pinakamasaya, pinakamahirap, at lahat ng mga "pinaka" na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa sa kanyang karanasan sa mundo.

Kondisyong Kaakibat ng Teoryang Bayograpikal:

1. Ang tanging tugon ng pagsusuri ay akda mismo na siyang binabasa at sinusuri kung kaya't kailanman ay hindi ito ipinapalit sa buhay ng makata o manunulat.
2. Ang kahinaan at kapintasan ng may-akda sa kanyang akda ay hindi dapat maging kapasyahan ng sinumang bumabasa ng akda.

        Sa paglalapat ng toeryang bayograpikal sa tulang "Ang Aklasan" ni Amado V. Hernandez, kapansin-pansin na pinalitaw niya ang teoryang ito. Ipinakita niya nag teoryang bayograpikal sa kanyang akda sa pamamagitan ng kanyang karanasan bilang isang makata sa pagtutuligsa sa kaapihan bilang isang manggagawa. Nangibabaw sa tulang isinulat ni Hernandez ang teoryang ito dahil isa siya sa tinaguriang manunulat ng manggagawa. Naisulat ni Hernandez ang tulang ito dahil isa siya sa nakatuklas ng kawalan ng karapatan sa pagtatrabaho ng mga manggagawa sa pamamalakad ng malupit na pamahalaan. Ginamit ito ni Hernandez upang ipakita o bigyan ng katarungan ang mga nararansan ng mga Pilipino na nagtatrabaho. Isa rin ito sa pinakamalungkot na pangyayari sa panahon ni Hernandez dahil isa rin sila sa naging bahagi ng aklasan.

Sanggunian:

http://rcmolmisa.blogspot.com/2007/06/muling-pagtanaw-at-pagsasapuso-sa.html
https://prezi.com/hisx-g_s8vih/ang-aklasan-ng-group-3/
https://www.slideshare.net/mobile/GinoongGood/teoryang-pampanitikan-36790003
https://www.tagaloglang.com/ano-ang-tula/
https://www.slideshare.net/mobile/Mdaby/kahulugan-ng-tula-at
Hernandez, Amado V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts.Retrievedfrom https://philippineculturaleducation.com.ph/hernandez-amado-v/
Tags:




            

Comments